MANILA, Philippines – Pinagbabayad ng Manila Regional Trial Court ang Sulpicio Lines ng P241 milyon sa mga biktima ng lumubog na MV Princess of the Stars noong 2008.
Sa 87-pahinang desisyon, pinaboran ng Manila RTC Branch 4 ang petisyon ni Celerna Calayag at ng iba pang biktima at kaanak ng mga biktima.
Napatunayan umano ng mga biktima sa pamamagitan ng preponderance of evidence na nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng Sulpicio Lines na ngayon ay Philippine Span Asis Carrier Corporation.
Ibig sabihin, mas binigyan ng bigat ng hukuman ang ebidensyang iprinisinta ng mga biktima.
Kasama na sa mahigit 241 milyong piso na iniutos ng korte na bayaran ng Sulpicio ang mahigit P230 millio damages at mahigit P11 milyong attorneys fees.
Napatunayan daw kasi ng mga biktima na mayroong “contract of carriage” sa pagitan ng mga pasahero at ng shipping line batay na rin sa Passenger’s Manifest.
Maging ang quitclaims na pinapirma ng Sulpicio sa mga nakaligtas sa insidente ay maituturing na malinaw na pag-amin ng Sulpicio na ang mga nakatanggap ng bayad ay mga biktima nga ng trahedya.
Ang quitclaim ay taliwas din umano sa batas, sa public order, moralidad at good customs at ito ay pinalagda ng Sulpicio para makaiwas sa kaso.
Mula sa mahigit 800 sakay ng barko, 32 lamang ang nakaligtas makaraang ito ay lumubog sa karagatan ng Romblon noong June 2008, kasagsagan ng paghagupit ng Bagyong Frank.