MANILA, Philippines – Naghain kahapon ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Valenzuela City Rep. Sherwin “Win” Gatchalian bilang kandidatong senador sa ilalim ng Nationalist Peoples Coalition (NPC).
Kasama ni Rep. Gatchalian si re-electionist Sen. Vicente “Tito” Sotto III sa paghahain ng COC sa Comelec. Sila ang dalawang pambato sa senatorial race ng NPC, isa sa pinakamatatag at maimpluwensyang political party sa bansa na mayroong incumbent o kasalukuyang nanunungkulan na 40 congressmen, 14 governors at 22 city mayors.
Sa kanyang hangaring masungkit ang isang puwesto sa Senado, bitbit ni Gatchalian ang kanyang mahusay na ‘track record’ bilang three-termer mayor ng Valenzuela City at two-term congressman kung saan sentro ng kanyang adbokasiya ang edukasyon bilang siyang nakikita niyang solusyon sa kahirapan.
Kaya ito ang dahilan kung bakit hinimok ni Gatchalian ang Kongreso na gawing prayoridad ang pagsasabatas ng panukala niyang “Free Higher Education Act” kung saan tutulungan lalo na ang mga mahihirap na estudyante na matustusan ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
Ayon kay Gatchalian, senior vice chair ng House Committee on Metro Manila Developmen, ang kanyang Senate legislative agenda ay may kaugnayan sa usapin ng mataas na presyo ng mga bilihin, mababang suweldo at ‘underemployment’ na may malaki at direktang epekto sa mahihirap na pamilya.
Si Gatchalian ang pangunahing may-akda ng House Bill 5905 na nagtatakda ng ‘fully subsidize tuition fee’ sa lahat ng state universities and colleges (SUCs) para sa mga kasalukuyan at susunod pang estudyanteng may magandang academic records at moral standing. Ang panukalang batas na ito ay aprubado na sa committee level.