MANILA, Philippines - Patuloy ang pagdagsa ng suporta para sa pambato ng “daang matuwid” na si Mar Roxas.
Ang gobernador ng Laguna at Nacionalista Party provincial chair Ramil Hernandez at 12 mayor ng mga bayan na bumubuo sa Laguna ay bumuo ng isang alyansa kasama ang Liberal Party upang itulak ang pagpapatuloy ng Daang Matuwid ni Pangulong Aquino sa darating na halalan sa 2016.? Present sa oath-taking ng Nacionalista Party sa Calamba, Laguna sina Gov. Hernandez, Las Piñas Rep. Mark Villar at Roxas. Anak si Rep. Villar ni dating senador Manny Villar at incumbent Sen. Cynthia Villar, parehong pinuno ng Nacionalista Party.
Buo naman ang suporta ni Hernandez kay Roxas na kumpyansang tuloy-tuloy na ang laban nito. Ani Hernandez, tinatayang 90% ng mga nakaupong lokal na opisyal ay sinusuportahan si Roxas.
Nauna na nitong linggo ang paglipat ng mahigit 260 lokal na opisyal mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa poder ni Roxas. Nanumpa bilang miyembro ng LP ang mga ito sa headquarters ng partido sa lungsod Quezon.
Nakipagsanib puwersa ang LP sa Laguna sa Nacionalista upang mabuo ang tinawag na “Koalisyon ng Daang Matuwid” para magkaroon ng pagkakaisa sa mga lokal na lider sa probinsya.