MANILA, Philippines – Inamin ni House Speaker Feliciano "Sonny" Belmonte Jr. ngayong Huwebes na malabong maipasa ngayong 16th Congress ang income tax reform bill dahil ilang araw na lang ang nalalabi sa kanilang regular session.
Sinabi ni Belmonte na maaaring sa susunod na administrasyon na ito maipasa kung uunahin itong talakayin.
Kontra si Pangulong Benigno Aquino III sa mas mababang buwis dahil maaapektuhan aniya ang credit rating ng bansa at hindi ito makakatulong sa paglago ng ekonomiya.
"Ang tanong, kapag binawasan natin ‘yung income tax, mababawasan ‘yung revenue, lalaki ‘yung deficit. Iyong paglaki ba ng deficit magiging negative factor kapag ni-rate sa atin o ni-rate tayo nitong mga credit ratings agencies?" wika ng Pangulo sa mga mamamahayag sa Iloilo noong Setyembre 14, 2015.
Ayon sa ulat, umabot pa sa puntong pinagalitan ni Aquino ang kaniyang ilang kaalyado sa Kamara na nagsusulong nito.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Belmonte na ipagpapatuloy ng Kamara ang pagpapasa ng naturang panukala.