MANILA, Philippines – “Wala kaming history sa pandaraya.”
Iyan ang tahasang sagot ni LP presidential bet Mar Roxas sa alegasyon ni Vice President Jojo Binay na balak ng administration party na mandaya sa darating na 2016 polls.
“Ano pang ineexpect natin sa mga taong di humaharap sa mga paratang sa kanya?” sabi ni Roxas ng makausap ito ng mga mamamahayag pagkatapos ng panunumpa ng mga opisyal ng Liga ng mga Barangay sa isang hotel sa Parañaque.
“Guluhin ang usapan, mag-aakusa ng kung anu-ano. Wala kaming history ng pandaraya,” diin ni Roxas.
Sinariwa ni Roxas ang naging sitwasyon noong huling nakalaban niya si Binay para sa puwesto ng bise presidente noong 2010, kung saan lumamang si Binay ng mahigit 700,000 na boto lamang. Maraming nagsasabing dahil ito sa pagdeklarang walang bisa ang dalawang milyong boto mula sa Regions 6 and 7 sa Visayas, ang kilalang balwarte ni Roxas, na kinikilalang anak ng Visayas.
“Ako po ang minsang nadaya, dalawang milyong null votes sa Visayas. Ako bilang biktima, ipaglalaban ko ang tapat at malinis na halalan,” pahayag ni Roxas nang hingan siya ng reaksyon sa naging pasaring ni Binay. Ngayon lang nilitaw ni Binay ang mga sinasabing pangambang pandaraya, kung kelan nalampasan na siya ni Roxas sa pinakabagong Ulat ng Bayan ng Pulse Asia.
“Napakahalaga na maging maayos at matuwid ang susunod na halalan,” sabi ni Roxas. Patuloy ang pag-angat ng mga rating ni Roxas sa mga lumalabas na survey pagkatapos lumabas na si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino para iendorso ang kandidatura ni Roxas bilang pambato ng Daang Matuwid.