MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ngayong Martes sa mga fans ng “Kalyeserye” ng “Eat Bulaga” na huwag kalimutan na pulutin ang aral sa love team na “AlDub.”
Sinabi ni Father Kunegundo Garganta, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Youth, na kailangang pansinin ang itinuturong aral tungkol sa pagmamahalan ni Lola Nidora na ginaganapan ni Wally Bayola.
"Kung tinitingnan lang ang programa bilang isang palabas posibleng magtatapos lang sa kilig factor at nalimutan na ang aral na mapupulot sa programa kung hindi magkatototo sa tunay na buhay ang pagkakagustuhan ng dalawang gumaganap, hindi pinulot ang magandang aral na ibinigay ng programa,” pahayag ni Garganta.
"'Yung mga aktor at aktres ay nagbibigay sila sa atin ng mga kalagayan ng mga pangyayari sa buhay natin sa araw araw pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay hindi 'yun ang talagang kanilang buhay pero yung inihaharap nila sa atin na positibo at mga bagay na nasa katotohanan dapat yun ang ating hinahawakang mabuti," dagdag niya.
Sinabi pa ng pari na dapat ay maging responsableng manonood ang mga fans nina Alden Richards at Maine Mendoza na mas kilala sa tawag na “Yaya Dub.”
“Kaya siguro kailangan din ng maingat na pagsusuri at maingat sa panunuod sa ganitong klase ng program... hindi tayo tinatawag lang para maaliw ang damdamin pero maging responsable tayo kung tayo ay naghahanap ng mga bagay na nagdadala sa atin ng katuwaan at kasiyahan. So kinakailangan pa rin tayong maging responsible.”
Ipinapakita sa Kalyeserye kung paano ang tamang panliligaw sa isang babae, tulad ng pagbibigay ng respeto sa bawat isa at ang hindi pagmamadali upang makuha ang matamis na "oo."
Nitong Sabado ay tatlong tweets ang ginawa ng CBCP sa kanilang Twitter account bilang suporta sa aral na dala ng Kalyeserye.
"Love is the measure of faith." - Pope Francis #ALDubEBforLOVE pic.twitter.com/sZIDtUE6nZ pic.twitter.com/nTqBqkZhFl
— CBCPNews (@cbcpnews) September 26, 2015
Supporting the noble cause of spreading virtue, values and morality that our nation deserves. #ALDubEBforLOVE
— CBCPNews (@cbcpnews) September 26, 2015
Kapag manliligaw, pumunta sa bahay at harapin ang pamilya ng nililigawan. #ALDubEBforLOVE
— CBCPNews (@cbcpnews) September 26, 2015