MANILA, Philippines – Aprubado na ng House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na nag-aalis sa Value Added Tax (VAT) ng systems loss sa kuryente.
Ang systems loss ay parte ng electric bill para sa gastos sa nawawalang kuryente sa distribution companies na ipinapasa sa consumers.
Sa botong 9-0, inaprubahan ng komite ang House Bill 5543 nina Bayan Muna partylist Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate.
Layon ng panukala na amyendahan ang section 109 ng National Internal Revenue Code of 1997 para maisama sa VAT exemptions ang systems loss sa kuryente.
Iginiit nina Colmenares at Zarate na kailangang gumawa naman ng paraan ang Kongreso para maibsan ang pasanin ng consumers sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo. Sa ulat ng independent think-tank Ibon Foundation, ang systems loss ang bumubuo sa 8 porsiyento ng total bill sa kuryente.