MANILA, Philippines – Pinagpaplanuhan din ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng debates para sa mga local candidates ng May 9, 2016 elections.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista , plano nilang maglaan ng isang malaking lugar upang maihayag ang kanilang mga plataporma ng kandidato.
“We want these debates to be replicated in the local level,” ani Bautista.
Paliwanag ni Bautista, hinihikayat nila ang local Comelec offices na magsagawa ng political debates sa mga provincial, city, at municipal level katuwang ang ilang local media group at civil society groups.
Nakipagpulong na ang Comelec sa ilang mga kinatawan ng media organizations bilang paghahanda sa presidential at vice presidential debates para sa nalalapit na halalan.
Kasabay nito, nilinaw ni Bautista na boluntaryo ang pagsali ng mga kanidato sa debate. Itinakda na rin nito ang presidential debates.
Ang unang presidential debate (Mindanao) ay sa February 9-22 ; 2nd presidential debate (Visayas) March 8-21; third presidential debate (Luzon) April 12-25 habang ang vice presidential debate ay gagawin sa Metro Manila mula April 4 - 8 ng susunod na taon.
Kabilang sa mga tatalakayin ay agricultural development, poverty reduction, Charter change, peace and order, disaster preparedness, healthcare, education, corruption, public transportation, traffic, electoral reforms, foreign policy, tax reform, at national defense.