MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na imbestigahan rin ang constable nito na nagreklamo ng pambubugbog noong Martes ng gabi laban sa dalawa nilang traffic enforcers na nangangasiwa sa daloy ng trapiko sa EDSA.
Ayon kay PNP-HPG Director P/Chief Supt Arnold Gunnacao, pinakawalan umano ng MMDA constable ang driver samantalang sa patakaran ay walang pakiusapan.
Una rito, tinanggal sa puwesto ni Gunnacao ang dalawang PNP –HPG traffic enforcers na sina Sr. Inspector Joel Maranion at SPO2 Norman Interino na inakusahan ni MMDA constable Leon Trinidad ng panggugulpe. Isinasailalim sa masusing imbestigasyon at ipinagharap na rin ng kasong administratibo.
Sinabi ng opisyal na aminado naman ang dalawa niyang PNP-HPG operatives na ininsulto sila ng MMDA constable kaya hindi sila nakapagpigil at nagulpe nila ito noong Martes sa Quezon Avenue, EDSA.
Binigyang diin ni Gunnacao na nilapatan na ng PNP-HPG ng kaukulang kaparusahan ang kanilang dalawang traffic enforcers bunga ng insidente .
Sa pahayag ng ilang sources sa PNP-HPG nagalit umano ang dalawang PNP-HPG personnel kay Trinidad dahilan mukhang nagpaareglo ito sa driver na lumabag sa trapiko na sinita ng dalawang traffic enforcers.
Lumilitaw na hindi umano inisyuhan ng ticket ng MMDA constable ang driver ng pribadong behikulo na si Mark Nicolas na basta na lamang pinakawalan kaya’t nakipagtalo dito ang dalawang PNP-HPG traffic enforcers na nauwi sa pang-uumbag sa biktima.
Si Trinidad ay nagsampa na ng kasong administratibo laban sa dalawang PNP-HPG traffic enforcers at umano’y nagtamo ng mga gasgas sa binti at dibdib saka na-trauma sa insidente.