MANILA, Philippines — Kahit bumaba ang rating, nangunguna pa rin si Sen. Grace Poe sa presidential survey ng Pulse Asia na inilabas kagabi.
Nakakuha si Poe ng 27 percent, mas mababa ng tatlong puntos sa naunang survey, habang pumangalawa naman si Bise Presidente Jejomar Binay sa 21 percent.
Tulad ni Poe, nabawasan din si Binay ng isang puntos kumpara sa pangalawang quarter ng taon na survey.
Tumaas naman ang rating ni dating Interior Secretary Manuel "Mar" Roxas II na may 18 percent mula 10 percent upang umakyat sa ikatlong puwesto.
Kahit sinabing hindi siya tatakbo sa 2016, nasa ikaapat na pwesto si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may 15 percent, habang tabla naman sina Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Manila Mayor Joseph Estrada na may 5 percent.
Samantala, si Poe din ang namuno sa vice presidential survey na may 26 percent, nasa ilalim niya ang kaniyang runningmate Sen. Francis "Chiz" Escudero na may 25 percent.
Isinagawa ang survey nitong Agosto 23 hanggang September 3 na may 1,200 respondents mula sa buong bansa.
Si Poe din ang nanguna sa Social Weather Stations presidential survey, habang pumangalawa si Roxas at pangatlo si Binay.