MANILA, Philippines - Nauubusan na ng oras ang Kongreso para maipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa panibagong deadline na hanggang Disyembre.
Ayon kay Zamboanga Rep. Celso Lobregat, bigo ang Kamara na matapos ang period of interpellation ng panukala hanggang kamakalawa ng gabi na huling araw ng sesyon ngayong linggo.
Paliwanag pa ni Lobregat, maipasa man ang panukala hindi na ito ang original form at kakain rin ng mahabang bicameral conference dahil malayo ang bersyon ng Kamara at Senado.
Sinabi pa ni Lobregat na kahit mapagtibay ang BBL ay hindi rin naman agad ito maipapatupad dahil pagkatapos ng enactment ay may plebesito pagkatapos ng 90 o 120 days na malabo ng mangyari dahil panahon na iyon ng kampanya.
Isa pa umanong kumplikasyon ay ang paghahain ng certificates of candidacy ng mga opisyal ng ARMM na hindi pa maaaring mag-file para sa posisyon ng prime minister.
Ito ay dahil wala pang batas at magiging problema rin ang transition period dahil bagong halal ang mga opisyal.