Japan security bill ikinagalak ng Pinas

Japan flag

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kagalakan kahapon ang Department of National Defense kasunod ng pagpapasa ng Japan security bill na nagpapahintulot sa Japanese Armed Forces na ipagtanggol ang mga bansang kaalyado nito tulad ng Pilipinas laban sa mga magtatangkang umatake at manakop.

“We welcome the passage of measures that will enable Japan to play a more active role in promoting regional peace and security,” pahayag ni Defense Spokesman Peter Paul Galvez.

Ang desisyon ng Japan Parliament ay kauna-unahan matapos ang pagwawakas ng World War II may 70 taon na ang nakalilipas.

Noong World War II ay sinakop ng mga Hapones ang Pilipinas sa madugong digmaan na naitala sa kasaysayan ng mundo.

Gayunman sa pagdaan ng mga panahon ay naging kaalyado ng Pilipinas ang pamahalaan ng bansang Japan.

Naniniwala ang opisyal na magandang indikasyon ito para sa Pilipinas lalo pa nga at umiinit ang tensiyon sa pakikipag-agawan nito ng teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea) sa China.

Sa kabilang dako ay inaagaw rin ng China ang Senkaku Islands sa Japan na nasa bahagi ng East China Sea.

Ang Japan ay isa sa matibay na bansang kaalyado ng Pilipinas na pumapangalawa sa Estados Unidos.

Inihayag pa ng opisyal na ang pagpapatibay ng Security Bill ng Japan ay higit pang magpapalakas sa ‘Strategic Partnership’ nito sa bansa para sa pagpa­panatili ng seguridad sa Asia Pacific Region.

Nitong Sabado naisabatas ng Japan’s Parliament ang naturang security bill sa gitna na rin ng mga pagtutol ng ilang oposisyon sa nasabing bansa na tinangkang harangin ang boto ng Parliament Legislative Committee.

Show comments