MANILA, Philippines – Hindi nababahala ang Liberal Party sa napipintong pagdedeklara bukas, Setyembre 16, ni Senator Grace Poe ng kandidatura nito sa pagka-presidente sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, hindi natatakot at hindi nababahala ang kanilang partido kahit pa makalaban ni Interior Secretary Mar Roxas si Poe. Idinagdag ni Drilon na sa simula pa lamang ay mas pinagtuunan na nila ng pansin ang pagpapalabas ng kanilang kandidato kaysa sa umasa sa lakas ng ibang tao.
“No. We are not worried. From the very start I have always said that we strengthen our candidate, Secretary Roxas, rather than rely on strength of any other person,” ani Drilon. Sinabi pa ni Drilon na wala ring mababago sa kanilang plano at patuloy nilang papalakasin ang kandidatura ni Roxas.
“There is no change in plan. We will continue to build Secretary Roxas,” pahayag ni Drilon. Sinabi pa ni Drilon na hindi na niya ikinagulat ang mga ulat kahapon kaugnay sa nakatakdang pagdedeklara ni Poe sa Setyembre 16.
“I read in some news report today that Senator Poe is set to announce her candidacy on September 16. That’s according to media reports,” ani Drilon.
Kung totoo aniya ang ulat, tama lamang ang kaniyang naunang sinabi na dapat ng maghanap ng kandidato para sa pagka-bise presidente ang LP. Idinagdag pa ni Drilon na mas paiigtingin pa nila ang paghahanap ng running mate ni Roxas.
Matatandaan na bagaman at hindi miyembro ng LP si Poe, isa ito sa unang ikinonsidera ng partido para maging running mate ni Roxas. Ilang source ang kumumpirma na naghahanda na ang kampo ni Poe at humihiling ng media coverage sa paglulunsad ng kandidatura ni Poe sa Miyerkules, Setyembre 16 sa Bahay ng Alumni ng UP sa Diliman, Quezon City sa ganap na alas-6 ng hapon.