MANILA, Philippines – Ayaw maantala ni Pangulong Aquino ang magandang trabaho ni dating DILG Sec. Mar Roxas kaya’t inutos nito ang maayos na turnover, sabi ng Palasyo.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, naging mahalaga kay PNoy ang maayos na halinhinan sa DILG para hindi maantala ang mga importanteng proyekto dito.
“The President has always been concerned about ‘yung continuity also in DILG because there are a lot frontline service projects that are also under the DILG.
Nandiyan ‘yung SALINTUBIG, nandiyan ‘yung part ‘nung PAMANA program ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, nandiyan siyempre ‘yung patuloy na pagpapalakas doon sa ating Philippine National Police, and that was really one of the major concerns of the President at the time of the resignation of Secretary Roxas,” sabi ni Valte.
Tiniyak naman ng Palasyo na handang-handa si bagong DILG Secretary Mel Senen Sarmiento para sa hamon ng pangunguna sa ahensiyang iniwan ni Roxas, na nagbitiw para maiwasan ang akusasyon ng paggamit sa puwesto para sa kandidatura nito. Pambato ni PNoy si Roxas sa darating na halalan pampanguluhan sa 2016, at makakalaban nito si Vice President Jejomar Binay.
Sa ilalim ng pamumuno ni Roxas, namayagpag ang mga programa para sa mga LGU, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Nabigyan ng 12,399 bagong radyo ang PNP at 1,490 bagong patrol jeep para makatulong sa pagroronda ng mga pulis panlaban sa kriminalidad.
Naglagay din ang DILG ng 523 CCTV cameras sa mga matataong lugar at sa nga istasyon ng kapulisan. 469 na bagong fire trucks, kumpleto sa istasyon at gamit, ang naibigay na sa mga munisipyong ni minsan ay hindi napagkalooban ng sariling fire truck sa ilalim ng ibang administrasyon.
Dahil naman sa inilunsad na Oplan Lambat Sibat ni Roxas sa PNP, 448 sa 603 Most Wanted sa Kamaynilaan ay nakalaboso na.