Albay nabuslo uli ang 2015 Galing Pook Award

MANILA, Philippines – Sa pangatlong beses ay nabuslo ng Albay ang 2015 Galing Pook Award sa pamamagitan ng Team Albay na lahok nito.

Napanalunan din ito ng lalawigan noong 2011 kaya nakatitiyak na ito ng pwesto sa Hall of Fame ng parangal ng Galing Pook Foundation at DILG.

Personal na tinanggap ni Albay Gov. Joey Salceda sa seremonyang ginanap sa Mall of Asia SMX Convention Center ang parangal na itinuturing na pinakamataas na pagkilala sa mga LGU sa kanilang “good governance and good practices.

Ang Team Albay ay binubuo ng mga tauhan mula sa iba’t ibang ahensiya gaya ng Office of Civil Defense V, DSWD, DOH, Bureau of Fire Protection, Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Albay Provincial Government. Itinatag ito ni Salceda noong 2008 para tugunan ang emergency ng mga kalamidad sa lalawigan.

Simula noon ay pumalaot na ito sa 13 humanitarian missions, nakapagsilbi sa 103,642 pamilya o 518,208 katao at nakagawa na ng 4,863,612 litrong malinis na inuming tubig; pansamantalang nakapagpatakbo ng dalawang ospital, nakapagbalik sa kaayusang pangkalusugan ng mga biktima at nakapag-impake at namudmod ng relief goods para sa DSWD at iba pang mga donors.

Ang pinakamatindi nitong misyon ay sa Leyte at Samar matapos ang pananalasa doon ni Supertyphoon Yolanda noong 2013.

Kauna-unahang orga­nisadong grupo ang Team Albay sa Ground Zero at kaagad itong nakatipon ng 628 bangkay ng mga nasawi.

Show comments