MANILA, Philippines - Naniniwala ang dating kadete ng Philippine Military Academy na si dating Cadet 1st Class Aldrin Jeff Cudia na mapagbibigyan ng Korte Suprema ang kanyang kahilingan patungkol sa kanyang pagtatapos sa PMA upang makapasok sa University of the Philippines.
Sa ikatlong motion for reconsideration na inihain ni Cudia sa pamamagitan ng Public Attorneys Office, hiniling ng dating kadete na bawiin ng mga mahistrado ang desisyon nito na nagbabasura sa kanilang ikalawang motion for reconsideration.
Nais din nitong atasan ng Supreme Court ang PMA na ilabas ang kanyang academic documents gaya ng diploma o certificate of completion of academic subjects; general weighted average na sertipikado ng PMA School Registrar; certificate of good moral character at honorable dismissal; certificate of discharge para mabigyan ng pagkakataon si Cudia na makapag-enrol sa ibang eskwelahan; at ang kanyang transcript of records o TOR.
Ayon kay Cudia, mahalaga ang mga nasabing dokumento para ganap na siyang makapag-enroll sa UP College of Law.
Humihiling si Cudia ng pang-unawa mula sa SC dahil hindi na kakayanin ng kanyang pamilya na suportahan ang kanyang pag-aaral kung siya ay uulit pa sa first year college ng undergraduate course.
Iginiit ni Cudia sa mosyon ang kundisyon ng kanyang ama na si Ginoong Renato Cudia na half-paralyzed matapos dumanas ng brain stroke at ang kanya namang ina ay walang trabaho kaya mahihirapan na maigapang ang kanyang pag-aaral.