Duterte sa hindi pagtakbo sa 2016: Final na, wala na tayong magagawa

Kasama ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang kaniyang mga taga-supora mula sa Malabon matapos niyang bisitahin ang lungsod Martes, Setyembre 8, 2015. Philstar.com/Rosette Adel

MANILA, Philippines — Sa kabila ng mga umuugong na panawagan, muling binanggit ni Davao City Mayor Rodrigo "Rody" Duterte kahapon na hindi talaga siya tatakbo para sa pagkapangulo sa 2016.

Sinabi ni Duterte sa kaniyang pagbisita sa Malabon na hindi na magbabago pa ang kaniyang desisyon na magpahinga na sa politika.

"Kasi 'yung decision ko final na. Wala na tayong magagawa diyan," pahayag ng alkalde. "Nakapagsalita na ako e."

BASAHIN: Hindi ako tatakbo sa pagkapresidente – Duterte

Aniya ang anak niyang si Sarah Duterte ang tatakbo sa susunod na taon para sa mababakante niyang pwesto, habang siya ay mamumuhay ng tahimik.

Sa kaniyang pagbisita sa Malabon ay nagkalat ang mga streamers at placards na nakalagay ang saloobin ng kaniyang mga taga-suporta.

"Wag mo kaming bibuguin Mayor Duterte,"  "Ikaw na lang ang aming pag-asa mawawala pa ba?" at "Ikaw ang dapat! Sayo kami Duterte," ang ilan sa mga nakasulat.

Bukod sa Malabon ay nag-ikot din ang alkalde sa Navotas bago nagbigay ng talumpati sa City of Malabon University.

Nitong Lunes ay inihayag ni Duterte na hindi siya tatakbong presidente, taliwas sa inaasahan ng marami na pagdedeklara niya ng kaniyang kandidatura.

 

Show comments