MANILA, Philippines – Kinakailangan pang magtiis hanggang sa unang quarter ng 2016 ang mga sumasakay sa Metro Rail Transit (MRT) 3 dahil hindi pa maaring magamit ang mga bagong prototype coaches partikular ngayong Christmas season.
Ininspeksiyon kahapon nina Sen. Grace Poe, chair ng Senate subcommittee on public transportation at Sen. Nancy Binay, miyembro ng komite ang isang bagong prototype coach kung saan nadiskubre nilang hindi pa ito maaring paandarin dahil wala pang makina.
Ayon kay MRT 3 General Manager Engr. Roman Buenafe, ang mga bagong prototype coaches mula sa China ay dumating sa bansa noong Agosto.
Nasa 1,192 pasahero ang maaaring ma-accommodate ng bawat train na may tatlong coaches.
Sinabi ni Buenafe na magsasagawa pa rin sila ng compatibility test lalo pa’t ang makina na gagamitin sa mga bagong train ay magmumula pa sa Germany.
“Matibay ito kasi ang original trains natin ay tram trains. This is light trains na. Tram trains are operated at road level along buses and pedestrians, this is dedicated to one line only, it cannot converge with buses and pedestrians,” ani Buenafe.
Hinikayat naman ni Binay ang Department of Transportation and Communication (DOTC) na simulan na ang “safety at compatibility assessments” ng mga prototype coaches.