Private cars na ‘di aabot sa 4 ang sakay bawal sa EDSA

Sa budget deliberations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa hirit nilang budget para sa 2016, sinabi ni Secretary Rogelio Singson na seryoso nilang inaaral ang pagpapatupad ng carpooling sa EDSA kung saan ipagbabawal at huhulihin na ang mga pribadong sasakyan kung hindi aabot sa apat ang sakay nito. Storm Crypt/CC BY-NC-ND

MANILA, Philippines – Kinokonsidera na ng pamahalaan na ipagbawal sa EDSA ang mga pribadong sasakyan na bababa sa apat ang sakay.

Sa budget deliberations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa hirit nilang budget para sa 2016, sinabi ni Secretary Rogelio Singson na seryoso nilang inaaral ang pagpapatupad ng carpooling sa EDSA kung saan ipagbabawal at huhulihin na ang mga pribadong sasakyan kung hindi aabot sa apat ang sakay nito.

Paliwanag nito, maaa­ring dumaan sa ibang ruta ang mga sasakyan na iisa o dalawa lang ang sakay.

Isa pa sa solusyon na naisip nila ang pagdagdag ng mga pampasaherong bus.

Pinagninilayan na ang pagdadagdag ng express bus na biyaheng Trinoma-Makati na pwedeng alalayan ng Highway Patrol Group para mas mapabilis ang biyahe.

Solusyon din aniya ang ipinapatayong Skyway 3 para sa mga sasakyan mula NLEx pa-SLEx bagama’t sa 2018 pa ito matatapos.

Aabot ng P391 bilyon ang hirit na budget ng DPWH para sa 2016.

Show comments