Task Force Ebola binuhay
MANILA, Philippines – Binuhay ng Malacañang ang isang task force na tututok sa Ebola virus na natuklasan sa bansa, ayon kay Communication Secretary Herminio Coloma Jr.
Ipinaliwanag ni Coloma na ang task force ay nauna nang binuo ni Pangulong Benigno Aquino III noong 2011 sa bisa ng administrative order number 10 nang dati nang magkaroon sa bansa ng ebola virus.
Pinawi naman ni Coloma ang pangamba ng publiko dahil, base anya sa pahayag ng Department of Health, magkaiba ang uri ng Ebola reston virus na nakita sa Pilipinas at hindi kahalintulad sa strain na kumalat sa South Africa na nakamamatay.
“Ang klase ng Ebolang ito, ang Ebola Reston ay dati nang nakita sa bansa at naidokumento ng DOH na hindi nakapagdudulot ng anumang sakit sa tao,” wika pa ni Coloma.
Ayon sa PCOO chief, nagtutulong-tulong ang task force sa pagpapatupad ng strategy para pigilan ang mga tinatawag na “zoonotic diseases” na naililipat mula sa mga hayop tungo sa tao at vice-versa. Ang task force ay kinabibilangan ng DOH, Department of Agriculture at Department of Environment and Natural Resources.
“Sa kasalukuyan, ang Philippine Inter-Agency Committee on Zoonosis na kinabibilangan ng DOH, Department of Agriculture, at ng Department of Environment and Natural Resources na nilikha noong 2011 sa pamamagitan ng Administrative Order No. 10 ni Pangulong Aquino ay nagtutulong-tulong sa pagpapatupad ng mga programa at istratehiya upang pigilan, kontrolin, sugpuin ang mga tinaguriang zoonotic diseases o ang mga sakit na naililipat mula sa mga hayop tungo sa tao at vice versa,” ayon kay Coloma.
Kamakalawa ay kinumpirma ng DOH na nagpositibo sa ERV ang mga monkey sa isang pasilidad sa bansa. Hindi tinukoy kung saang partikular na lugar.
Sinabi ni DOH Secretary Janet Garin na nasugpo na ang virus sa naturang pasilidad at nagnegatibo sa laboratory test ang blood sample mula sa 25 staff member ng pasilidad.
- Latest