MANILA, Philippines – May 40 pasahero ng Qatar Airlines flight 932 ang iniulat na nasaktan dahil sa naranasang ‘turbulence’ ng lumapag ang eroplano sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kamakalawa ng hapon.
Ayon sa impormasyon, lumapag ang eroplano sa may runway 06-24 ng maramdaman daw ng mga pasahero ang pagtalbog at pagyugyog sa kanila habang sakay nito.
Dakong alas-3 ng hapon ng magkaroon ng aberya ang eroplano pero alas 7:25 na ng gabi ipinadala sa mga airport reporter ang kulang-kulang na impormasyon sa nangyaring insidente ng Manila International Airport Authority (MIAA)-Media Affairs Division (MAD).
“Wala ring ipinalabas na balita ang Civil Aviation Authority of the Philippines para sa mga reporter na kumokober ng NAIA,” pahayag pa ng ilang reporter.
May mga nagsasabing 3 menor-de-edad at dalawang flight attendants ang kabilang sa mga sakay ng eroplano ang diumano’y dinala sa ospital.