Solusyon sa trapik inilatag kay PNoy
MANILA, Philippines – Nagrekomenda ng ilang hakbang kay Pangulong Aquino ang House Committee on Metro Manila Development upang resolbahin ang krisis sa daloy ng trapiko sa kamaynilaan.
Una sa rekomendasyon ni Committee chairman Quezon City Rep. Winston Castelo, ang pagtatalaga ng traffic pointman na magbibigay ng direksyon sa mga hakbang ng gobyerno para lutasin ang mabigat na problema sa trapiko.
Iminungkahi rin ang seryosong rationalization ng mga bus sa Metro Manila para maalis ang sobra-sobrang bilang nito dito at ilipat sa mga probinsiya na kulang naman ang serbisyo ng transportasyon.
Pinamamadali rin ng komite ang mga road infrastructure at mass transports tulad ng railways at subway systems at mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko.
Gayundin ang paglilinis ng mga secondary roads na maaaring gamiting alternatibong ruta ng mga motorista.
Mababawasan din umano ang trapik sa Metro Manila kung ipapatupad ang four-day, 10-hour, 4/10, weekly work schedule dahil imbes na mag-kotse ay magko-commute na lamang ang mga mamamayan.
Magiging epektibo rin aniya ang pagbabawal sa boundary system bilang pagbabayad sa PUV drivers dahil mapipilitan silang sumundo sa batas trapiko at mababawasan ang sakuna sa lansangan.
Sinabi ni Castelo na sobra ang suplay ng mga bus sa Metro Manila at patunay dito ang mga bus na walang laman ngunit bumibiyahe sa EDSA.
- Latest