MANILA, Philippines – Binubuo na ng kampo ni Senador Grace Poe ang listahan ng kanilang mga kandidatong senador sa halalan sa susunod na taon. Nangunguna rito si Valenzuela City Rep. Sherwin “Win” Gatchalian ng Nationalist People’s Coalition.
Humanga si Poe sa magandang track record ni Gatchalian na nagsilbi munang alkalde ng Valenzuela City sa loob ng siyam na taon bago naging kongresista na pangunahing adbokasiya ay ang pagbibigay ng edukasyon para sa lahat.
Kasalukuyang umeere ang mga infomercial (information commercial) ni Gatchalian sa radio at telebisyon kung saan ipinararating ang mga nagawa ng kongresista sa aspetong pang-edukasyon para sa mga istudyante ng pampublikong paaralan ng lungsod ng Valenzuela.
Kamakailan ay nagtungo si Poe sa Valenzuela City para sa feeding program sa mga elementary students ng pampublikong paaralan na programang sinimulan ni Gatchalian noong unang termino niya bilang alkalde.
Pangalawang pinakamalaking partido sa bansa ang NPC at kabilang sa mga miyembro nito ang dalawang senador, 40 kongresista, 14 gubernador at 22 city mayors.
Itinuturing ng maraming opisyal ng NPC si Poe bilang frontrunner sa pagka-Pangulo sa ilalim ng kanilang partido at si Senator Francis “Chiz” Escudero ang siyang magiging kandidato sa pagka-Bise Presidente.
Bukod kay Sherwin, ikinokonsidera rin ni Poe ang nakababatang kapatid nito na si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian bilang tagapagsalita ng senadora tulad ng naging posisyon ni Escudero na nagsilbing spokesman ng ama ni Poe na si Da King Fernando Poe Jr. o FPJ noong tumakbo itong president noong 2004. Higit na kwalipikado o may karapatang tumakbo si Sherwin base na rin sa kanyang mga naipasang batas sa Kamara.
Inaprubahan kamakailan ng House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill No. 5905 o “Free Higher Education Act,” ni Gatchalian na naglalayong gawing libre ang tuition fee ng lahat ng undergraduate at certificate degree holder sa state universities and colleges (SUCs).
Kasama rin si Gatchalian na nag-akda sa House Bill 5231, o “Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act,” na naglalayong mabawasan ang pagsasagawa ng mga krimen gamit ang mga prepaid SIM cards maging ang pag-iwas sa mga text scam. Ang naturang panukala ay nasa ikatlong pagbasa na noong Mayo habang ang kaugnay na panukala sa Senado ay pinag-uusapan pa sa committee level. Kabilang din sa adbokasiya sa edukasyon ni Gatchalian ay ang pagtataas ng sahod ng mga pampublikong guro kaya naman naghain siya ng House Bill No. 5731.