MANILA, Philippines – Tinapos ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo ang kanilang rally sa Edsa Shaw Boulevard, Mandaluyong City, kahapon ng umaga. Bunsod nito, balik na sa normal ang daloy ng trapiko sa Edsa makaraang lisanin ng tinatayang 20,000 miyembro ng INC ang nasabing lugar dakong alas-8:30 ng umaga.
Ayon kay INC General Evangelist Ka Bienvenido Santiago, nagkausap na ang panig ng INC at ng pamahalaan at nagkapaliwanagan na ang mga ito kaya nagpasya silang tapusin na ang demonstrasyon.
Agad namang nilinis ang mga tauhan ng Mandaluyong City at Metro Manila Development Authority ang mga naiwang kalat ng mga nagsipagrali.
Ilang araw na nag-rally ang mga miyembro ng INC bunsod ng sinasabing special treatment ni Justice Secretary Leila De Lima sa reklamo ng ministro na itinawalag ng INC sa kanilang grupo.
Unang nagrally ang grupo sa harapan ng Department of Justice sa Padre Faura St., Maynila bago sumugod sa EDSA Shrine, hanggang sa mabigyan ng permit sa Crossing sa Edsa Shaw Boulevard ng Mandaluyong City.
Sa isang panayam sa Net 25 na tv network ng INC, inihayag ni Santiago ang pagtatapos ng kanilang rali nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Santiago, nagkausap na ang pamahalaan at ang liderato ng INC hinggil sa isyu kaya makakauwi na ang kanilang mga miyembro. “Nagkausap na po ang panig ng Iglesia at ang panig ng pamahalaan, at sa pag-uusap na ito ay nagkapaliwanagan na po ang dalawang panig,” ani Santiago.
Idineklara ng Philippine National Police na payapa sa pangkalahatan ang rali ng mga opisyal at miyembro ng INC.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na, bagaman nagsikip ang daloy ng trapiko, ay naging mapayapa sa pangkalahatan ang idinaos na rally ng INC.
Noong Huwebes ng nakalipas na linggo ay nagsimulang mag-rally sa tanggapan ng Department of Justice ang INC sa kahabaan ng Padre Faura ang mga kasapi ng INC at noong Biyernes ng gabi ay nagsimula namang dumagsa sa Edsa Shrine sa Ortigas, Quezon City gayundin sa Edsa Crossing at Shaw Boulevard sa may Shangrila mall, SM Megamall at Star Mall sa Mandaluyong City.
Iprinoprotesta ng INC ang panghihimasok umano ng pamahalaan sa isyu ng kanilang liderato at hinihiling ang kanilang kalayaan ukol dito.
Sa pagtaya ng PNP, sinabi ni Mayor na nitong Lunes sa pagitan ng ala-1 hanggang alas-2 ng madaling araw ay umabot sa 20,000 ang mga dumagsang miyembro ng INC sa nasabing lugar at bumaba sa 12,000 dakong alas- 8 ng umaga.