Mamasapano report isapubliko na!

MANILA, Philippines – Umapela ang ilang kongresista na dating mga opisyal ng kapulisan sa liderato ng Kamara na isapubliko na ang report na resulta ng isinagawang imbestigasyon kaugnay sa Mamasapano massacre na ikinasawi ng SAF 44.

Ayon kay Antipolo Rep. Romeo Acop, Magdalo Reps. Ashley Acedillo at Gary Alejano at Act CIS partylist Rep. Samuel Pagdilao, nakakapagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa nailalabas ng House Committee on Public Order and Safety at Peace reconciliation and Unity ang kanilang joint investigation sa nasabing insidente.

Matagal na umanong tapos ang imbestigasyon at matagal na rin nailabas sa Senado at Department of Justice (DOJ).

Giit ni Acedillo, kung hindi isasapubliko ang Mamasapano report ng Kamara ay masasayang ang oportunidad para magkaroon ng closure ang nasabing isyu.

Nagbabala naman si Pagdilao na kung magmamatigas ang dalawang komite na huwag ilabas ang report ay sila na mismo ang maglalabas ng report sa publiko.

Aminado ito na hawak nila ang draft ng report at kasalukuyan nila itong nire-review kasabay ang pagpasok sa report ng sarili nilang pananaw sa malagim na insidente.

Bukod dito, inoobliga rin ng tinaguriang Saturday group sa Kamara si Justice Secretary Leila de Lima na pangatawanan na ang pangako sa Kamara na isampa na ang kaso laban sa mga tauhan ng MILF, BIFF at Private Armed groups na pumatay sa SAF 44.

Nagbabala si Acedillo kay de Lima na kung hindi ito magagawa ng kalihim ay ito ang unang isyung ibabato rito sa oras na tumakbo ito sa pagka Senador.

Show comments