MANILA, Philippines – Isang itiniwalag na ministro ng Iglesia Ni Cristo ang naghain ng kasong illegal detention laban sa walong pinuno ng religious organization.
Sinabi ni Isaias Samson Jr. na isinailalim sila ng kaniyang pamilya sa house arrest matapos maglabas ng blog na may titulong "Iglesia Ni Cristo Silent No More."
"Sila ang unang nagtulak sa amin doon sa ginawa nilang kung tawagin ay house arrest at pagkatapos nang kami ay makatakas ay tinutugis pa kami. Ginagamit nila pati mga pulis," wika ni Samson sa ABS-CBN News.
Inirereklamo ni Samson sina:
- Glicerio Santos Jr.
- Radel Cortez
- Benvenido Santiago Sr.
- Mathusalem Pareja
- Rolando Esguerra
- Erano Codera
- Rodelio Cabrera
- Maximo Bularan
Sinabi pa ni Samson na nakatakas lang sila matapos magkunwaring pupunta ng simbahan.
Aniya maging ang kanilang mga pasaporte ay kinumpiska, habang pinutulan sila ng linya ng telepono.
Kinuwestiyon din ng itiniwalag na ministro ang mga proyekto ng INC, partikular ang relief operations para sa mga biktima ng bagyong Yolanda kung saan P9 milyon ang hiningi ng pinuno ng Sanggunian gayung P1.7 milyon lamang ang hiningi ng mga organizer.
Dagdag niya na pinuwersa rin siyang magsinungaling at pabulaanan ang mga paratang nina Tenny at Angel Manalo na may mga ministrong dinukot.