MANILA, Philippines – Mariing nanawagan kahapon ang isang grupo ng mga broker na nakabase sa Bureau of Customs kay Task Force Pantalan Chief Rene Almendras na aksiyunan nito ang umano’y pananakot at pangongotong ng ilang nagpapanggap na tauhan nito.
Nabatid na, simula nang batikusin ng ilang mamamahayag ang ilang tauhan ng naturang task force, may dalawang buwan umanong tumigil ang operasyon nito sa panghuhuli. Subalit, ngayon, may isang linggo nang nakakaraan ay muling nagsasagawa ng operasyon ang naturang grupo kahit wala pa aniyang “go signal” na mag-operate sila.
Nabatid pa sa mga broker na isang “alias Captain Ibay at isang “alias Jun kalabaw” ay hindi naman deputized ng task force para manghuli ng puslit na mga kalakal.
Tinatakot umano ang ilang broker na kapag hindi umano nagbigay ng “lagay” sa kanila ay huhulihin ang mga ito ng grupo ng task force.
Bawat container van ay hinihingan umano ng “lagay” na P5,000.00 hanggang P10,000.000. Ibinunyag din ng mga broker, na si alias kalabaw, ang nagsisilbing collector ng isang opisyal sa BOC.