MANILA, Philippines – Patuloy sa pag-init at paglala ang iringan sa Korte Suprema sa pagitan ng mahistradong ponente ng desisyon at sumulat ng dissenting opinion sa kaso ni Senador Juan Ponce Enrile.
Sa limang pahinang-rejoinder ni Associate Justice Lucas Bersamin na naipuslit sa media at hindi pinadaan sa Supreme Court Public Information Office, maaanghang at matatalas ang mga pahayag na binitiwan niya laban kay Associate Justice Marvic Leonen. Ayon kay Bersamin, galit niyang pinaratangan si Leonen ng paglabag sa Section 2, Rule 10 ng Internal Rules of Court nang kanyang ilahad sa kanyang dissenting opinion ang ilang detalye ng deliberasyon sa en banc session ng Korte Suprema noong August 18, 2015 na itinuturing na confidential at hindi dapat isinisiwalat.
Dagdag pa ni Bersamin, lumilitaw din sa dissenting opinion ni Leonen na siya ay pinararatangan nito na inililigaw niya ang kanyang mga kasamahan sa majority nang paikutin niya ang kanyang ponencia sa mga mahistrado habang idinaraos ang oral argument sa Torre De Manila, pero ang ponencia ay kaiba umano sa pinagbotohan sa en banc session. Sinisisi pa umano ni Leonen ang kanyang mga kasamahan sa majority na lumalagda sa pinal na bersyon ng ponencia kahit hindi nila batid ang nilalaman nito.
Para kay Bersamin, ang paratang na ito ni Leonen ay insulto sa kanyang mga kapwa-mahistrado at pang-aapak o kawalan ng respeto sa mayorya na bumoto pabor sa ponencia. Lumalabas na nais lamang din ni Leonen na magmalinis o palitawin sa publiko na siya ay self-righteous.
Halata rin ang matinding galit ni Bersamin nang kanyang isulat sa malalaking letra ang mga katagang: He was a member of the minority; he should have stayed there. He should have confines himself to expressing his losing views. He should not fret, and assail the process that he could not control from his side of the vote.
Kinastigo rin ni Bersamin ang isa sa most junior justices ng Korte Suprema sa pagsasabing bago niya puntiryahin ang mayorya ay maiging lingunin muna niya ang sarili niyang bakuran sa minorya para makita kung sino ang totoong nakagawa ng iregularidad sa Korte Suprema.