Pahayag ni Abaya na hindi nakamamatay ang trapik pinalagan

MANILA, Philippines - Umangal si Sen. Pia Cayetano sa naging pahayag ni Transportation Secretary Emilio Abaya na “not fatal” o hindi nakamamatay ang trapiko.

Ayon kay Cayetano, kaya pala malaking problema sa ngayon sa Metro Manila ang matinding traffic ay dahil na rin sa pananaw ni Abaya.

“OMG! Kaya pala ganito kalala ang traffic sa atin, our very own DOTC chief says traffic is ‘not burdensome to the daily lives of the people’,” ani Cayetano sa kanyang post sa Facebook.

Ipinaalala ni Cayetano kay Abaya na kalimitang umaabot sa dalawang oras bago makarating ang isang empleyado sa kanyang trabaho at dalawang oras rin bago makauwi sa bahay dahil sa traffic sa mga lansangan.

“Sir, if it takes an employee 2 hours to get to work and another 2 hours to get home, that’s half of the work day in traffic,” ani Cayetano.

Ang mga nasabing oras aniya ay mga “productive hours” na nagugol sana sa ibang lugar.

Sinabi pa ni Cayetano na base sa isang pag-aaral, nawawala sa ekonomiya ang $57 milyon o P2.4 bilyong potential income araw-araw dahil sa matin­ding problema sa trapiko.

Sa isang panayam sa telebisyon nabanggit ni Abaya na maaring makasira ng araw ng isang tao ang trapiko pero hindi naman umano ito “fatal” o nakamamatay.

“Hindi naman siguro fatal iyan (trapiko),” ani Abaya sa panayam.

 

Show comments