MANILA, Philippines - Isinapinal na ng Korte Suprema ang hatol na habambuhay na pagkabilanggo sa dalawang miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) na sangkot sa hazing na ikinamatay ng estudyante ng University of the Philippines (UP) Los Baños na si Marlon Villanueva noong 2006.
Sa 39-pahinang desisyon ng SC 2nd Division, kinatigan nito ang nauna nang hatol na reclusion perpetua na ipinataw ng Calamba Laguna Regional Trial Court Branch 36 laban kina Dandy Dungo at Gregorio Sibal Jr.
Sa desiyon ng Calamba RTC, napatunayan umano ng prosekusyon na kasama nina Dungo at Sibal ang biktima na pumasok sa isang resort kung saan idinaos ang initiation rites. Sila rin ang nagdala sa ospital sa biktima.
Nauna nang kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng mababang hukuman kaya umapela sina Sibal at Dungo sa Korte Suprema.
Pero sa desisyon ng Korte Suprema, kahit walang patunay na kasali ang dalawa sa initiation rites, hindi mangyayari ang hazing kung hindi nila dinala si Villanueva sa lugar.
Binigyan ng bigat ng Korte Suprema ang circumstancial evidence na iniharap ng prosekusyon kabilang na ang testimonya ng doktor na sumuri kay Villanueva, security guard na naka-duty sa ospital, ang may-ari ng sari-sari store na nasa harap ng resort na pinangyarihan ng initiation rites, ang tricycle driver na nagdala sa kanila sa ospital, pati na ang pulis na kumuha kina Dungo at Sibal mula sa ospital para sila ay imbestigahan.
Ito ang kauna-unahang conviction na naigawad sa ilalim ng Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law.