MANILA, Philippines - Pinangunahan nina Sen. Grace Poe at Manila Mayor Joseph Estrada ang misa kaugnay sa paggunita sa ika-76 kaarawan ng yumaong action king na si Fernando Poe Jr. sa North Cemetery kahapon ng umaga.
Dumating din ang maybahay na si Susan Roces kung saan sinaksihan ang candle lighting at wreathlaying sa puntod ni Da King.
Sa maiksing talumpati, sinabi ng senadora na si FPJ ang nagturo sa kanya na magkaroon ng purpose sa buhay, tumulong sa mga nangangailangan at maging tapat.
Ayon naman kay Estrada, walang makakapantay sa pagkakaibigan nila ni Da King dahil kaya nilang ialay ang kani-kanilang mga buhay sa isa’t isa.
Si FPJ ay isinilang noong August 20, 1939 at pumanaw noong December 2004, ilang buwan makaraang matalo sa presidential elections.
Ginawaran ito ng posthumous na National Artist Award.