MANILA, Philippines - Isang power point demolition lang laban kay Vice President Jejomar Binay ang akusasyon ng isang Arthur Cruto sa pagharap nito sa isang pagdinig sa Senado kaugnay ng ibinibintang na mga ghost senior citizens umano sa Makati City.
Ito ang reaksyon kahapon ng kampo ni Binay sa pamamagitan ng hepe ng media bureau ng Office of the Vice President na si Joey Salgado na pumunang puro kasinungalingan na lang na hindi makakatindig sa korte ang tanging naririnig ng publiko.
Wala anyang ebidensiya na magpapatunay na kunektado ang Bise Presidente sa ibinibintang na mga pekeng benepisyaryo kung meron man. “Ang mga senior citizen sa Makati ay personal na nag-aaplay at nagsusumite ng mga dokumento bago sila mailista. Dumadaan sila sa beripikasyon. Personal nilang natatanggap ang kanilang mga benepisyo. Merong sistema ang Social Welfare Department para tanggalin sa listahan ang mga patay na,” paliwanag ni Salgado.
Idinagdag ni Salgado na mapanlinlang at konklusyong haka-haka lang ang sinasabing resulta ng imbestigasyon na iprinisinta ni Cruto. “Dahil hindi beripikado ang benepisyaryo, ghost na agad. Nananatiling benepisyaryo ang mga senior citizen na lumipat sa ibang lugar. Walang tutol dito si Cruto nang manirahan sa Cavite ang kanyang ina pero nananatiling senior citizen beneficiary,” dagdag pa niya.
“Pero ano ang maaasahan kundi kasinungalingan mula sa isang kilalang tauhan ni dating (Makati) Vice Mayor (Ernesto) Mercado?” sabi ni Salgado. “Nagbubungkal ng mga ghost issue ang Liberal Party at ang mga tauhan ni Mercado sa Makati para ilihis ang atensyon ng publiko mula sa pumapalyang serbisyo publiko at pagbabalik ng fixing at katiwalian sa city hall.”
Ayon pa sa pahayag ni Salgado, ang dating dalawa hanggang tatlong araw na proseso sa mga aplikasyon sa business permit sa ilalim ni Mayor Junjun Binay ay inaabot na ngayon ng dalawang linggo. Bumalik na rin anya sa city hall ang mga fixer.
Nanawagan din si Salgado kay Cruto na gumawa ng isang affidavit at ulitin ang pahayag nito sa labas ng Senado para makapagsampa sila ng kaukulang kaso laban dito.
“Malakas ang loob nila kasi binigyan sila ng immunity ng mga senador para malaya silang makapag-sinungaling at siraan si Vice President,” sabi pa sa pahayag.
Nilinaw din ni Salgado kay Senador Antonio Trillanes na ang isang death certificate ay hindi pruweba sa katiwalian. “Kapag namatay ang senior citizen sa loob ng release period para sa kanilang benepisyo, ipagkakaloob sa benipisyaryo ang benepisyo. Pinapahintulutan ito sa panuntunan,” diin pa niya.