MANILA, Philippines – Inilabas na ng Commission on Elections ang mga listahan ng mga ‘bawal’ sa panahon ng halalan na gaganapin sa Mayo 2016.
Lumilitaw sa calendar of activities ng Comelec na magsisimula ang election period para sa 2016 national polls mula January 10 hanggang June 8, 2016.
Sa loob ng nasabing panahon, mahigpit na babantayan ng Comelec ang pagsunod ng mga kandidato sa mga hakbang o gawain na ipinagbabawal sa nabanggit na panahon.
Kabilang sa mga “prohibited acts” ang paglilipat ng mga opisyal at empleyado na nasa civil service; pagdadala o pagbibiyahe ng mga armas at mga deadly weapon maliban kung may pahintulot ng Comelec; paggamit ng mga security personnel o bodyguard ng mga kandidato.
Bawal din ang pagpapataw ng parusa o suspensyon laban sa isang halal na lokal na opisyal; ang pagbibigay ng donasyon o regalo, cash or in kind; ilegal na pagpapalaya sa mga bilanggo.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagtalaga o pagkuha ng mga bagong empleyado, paglikha ng mga bagong posisyon, pag-promote o pagbibigay ng umento sa sahod at iba pang pribilehiyo.
Ayon pa sa Comelec, hindi rin pinahihintulutan ang pagsasagawa o konstruksyon ng public works o paghatid ng mga materyales para sa public works at pag-iisyu ng treasury warrant para sa isang proyekto sa hinaharap na ang gagamitin ay pondo ng gobyerno.
Magsisimula naman ang panahon ng kampanya para sa mga kumakandidato sa pagka-Pangulo, Bise Presidente, Senador at partylist representatives sa February 9 hanggang May 7, 2016.
Ang campaign period naman para sa mga tumatakbo sa lokal na posisyon kabilang na ang mga miyembro ng House of Representatives ay mula March 25 hanggang May 7, 2016.