MANILA, Philippines – Sa halip na shame campaign, nais ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na magkaroon ng reward campaign upang masolusyunan ang problema sa quorum sa Kamara.
Sinabi ni Belmonte na positibo ang nais niyang pairaling polisiya sa kapulungan sa kabila ng mabigat na problema sa quorum ng Mababang Kapulungan sa mga nakalipas na linggo.
Sa reward campaign ni Belmonte, ilalabas niya ang listahan ng mga kongresista na present sa sesyon para mailathala ng media at malaman ng publiko kung sino ang talagang masipag sa plenaryo.
Sa pamamagitan umano nito ay matutukoy din naman ng publiko kung sinu-sino ang mga tamad na dumalo ng sesyon.
Nanindigan ang Speaker na kahit may probisyon sa kanilang panuntunan para pwersahin ang mga kongresista na dumalo ng sesyon ay hindi niya ito gagawin.
Idadaan pa rin umano nito sa pakiusap sa tulong ng mga lider ng partidong kasama sa majority coalition para makalampag ang mga miyembro at siputin ang sesyon.
Napilitan naman si Belmonte na pulungin ang mga lider ng majority coalition para tapusin na ang problema sa absenteeism at kawalan ng quorum tuwing oras ng sesyon.
Kahapon sinimulan na rin ilabas ng Kamara ang listahan ng mga kongresista kung saan sa ginawang roll call ay 119 lamang ang present subalit kapos sa quorum kaya nag-adjourned agad.
Giit ni Belmonte dapat mailathala ng media ang pangalan ng mga present sa plenaryo upang mahikayat na pumasok ang mga tamad na kongresista.