Poe kinasuhan din sa Comelec

Ipinapakita ni Lito David ang isang dokumentong isinampa niya sa Law Electoral Department ng Commission on Election laban kay Senador Mary Grace Poe. Edd Gumban

MANILA, Philippines – Matapos na kasuhan sa Senate Electoral Tribunal, sa  Commission on Elections naman  sinampahan ng kasong election offense si Senator Grace Poe ng isang  natalong  kandidatong senador.

Dumulog sa Comelec Law Electoral Department si Rizalito David para maghain ng offense for material representation laban kay Poe.

Ayon kay David, hindi anya totoong natural born Filipino citizen si Poe gaya ng inilagay nito sa inihaing certificate of candidacy nang tumakbo sa pagka-senador noong 2013.

Dahil hindi umano ito natural born Filipino citizen, hindi anya ito kwalipikadong tumakbo para sa posisyon sa Senado. Bukod dito, nais din ni David na ihain ang kaparehong kaso sa lower court.

Samantala, sinabi ni dating Justice Secretary at 1-BAP partylist Rep. Silvestre Bello na ang petisyon ni David ay nag­lalayon lamang umanong gipitin at pigilin si Poe sa pagtakbong presidente sa halalang pampanguluhan.

Sinabi rin nina House Speaker Feliciano Belmonte Jr., vice-chairperson ng Liberal Party at Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe na ang kasong isinampa laban sa Senadora ay isa lamang pagtatangka na pigilin itong kumandidato.

Idinagdag pa ni Belmonte  na kung hindi maganda ang magiging resulta ng pagtakbo ni Poe sa darating na halalan ay bakit pa may mag-aabala dito na maghain ng disqualification case.

Show comments