MANILA, Philippines – Pinai-inhibit ng One Source Port Support Services ang isang associate justice ng Court of Appeals sa kaso na may kinalaman sa Harbour Centre Port Terminal upang magkaroon umano ng patas na desisyon.
Sa kanyang mosyon na inihain sa 15th Division ng CA noong Agosto 13, hiniling ni Cyrus Paul Valenzuela, pangulo ng One Source na mag-inhibit si CA Associate Justice Noel Tijam kaugnay sa kasong nakabinbin sa kanyang division na isinampa ng R-II Builders laban sa Home Guaranty Corp. (HGC) sa Manila RTC Branch 24 at 22.
Ang kaso ay isinampa ni Reghis Romero at Harbour Centre Port upang pigilan ang 20-araw na temporary restraining order na inisyu ni Pasig Regional Trial Court Judge Rolando Mislang.
Sa naturang kaso, nagkamali umano ang R-II Builders nang hindi nito bayaran ang docket fee sa Manila RTC Branch 22 at dahil dito, hiniling ng HGC na mabasura ang kaso.
Nabigo ang HGC kaya’t nagsampa ito ng kaso sa CA 15th Division ngunit nag-isyu ng desisyon pabor sa R-II Builders ni Romero. Si Associate Justice Tijam ang sumulat ng naturang desisyon ng CA.
Dahil dito, nagsampa ng kaso ang HGC sa Supreme Court na pinawalang-bisa ang desisyon ng CA noong 2011 dahil sa patung-patong na pagkakamali ng desisyon ni Tijam.
Sinabi ng SC na walang hurisdiksyon ang Manila RTC Branch 22 sa kaso dahil hindi nagbayad ang R-II Builders ng docket fee.