MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ng Malacañang na nakahanda ang pamahalaan sa nakaambang El Niño sa darating na Setyembre.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, mismong si Pangulong Aquino ay nakabantay sa sitwasyon at alam rin nito ang problemang kaakibat nito.
Sinabi pa ni Valte na nailatag na ng Department of Science and Technology ang projections ng El Niño at naka-plano na rin ang mga dapat gawin ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
Inihalimbawa ni Valte ang nangyaring hindi pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa noong nakaraang summer kaya ipinapatupad na umano ang mga kinakailangang aksiyon sa mga apektadong lugar.
Kabilang sa mga binanggit ni Valte na maaring gawin ng DOST ay ang cloud seeding at ang paghahanda na makapagdala ng suplay ng tubig para sa mga irigasyon.