OFWs na may kasong kriminal tulungan natin - Pacquiao
MANILA, Philippines - Hiniling ni Filipino boxing champ at Sarangani Rep. Many Pacquiao sa Kamara na magsagawa ng inventory para sa lahat ng nakabinbing kaso na kinasasangkutan ng mga Pinoy sa ibang bansa upang mabigyan ng agarang tulong legal ang mga ito.
Sa liham ni Pacquiao kay House Committee on Overseas Workers Affairs chairman at Agap partylist Rep. Nicanor Briones, hiniling ng boxing icon na agad magtakda ng schedule para sa meeting ng lahat ng concerned government officials, labor at foreign affair officials upang mapag-usapan ang status ng mga kasong kriminal ng mga overseas Filipino workers na nasa iba’t ibang bansa.
Matatandaan na nakipagpulong si Pacquiao noong Hulyo 10 sa death convict na si Mary Jane Veloso sa kulungan nito sa Yogyakarta, Indonesia at dito napag-alaman ng kongresista na simula ng madakip ito noong Abril 25, 2010 hanggang Oktubre 11, 2010 ay nirepresent lamang si Veloso ng isang abogado na pro bono na itinalaga pa ng korte ng nasabing bansa.
Oktubre 21, 2010 lamang umano ng umupa ang embahada ng Pilipinas sa Jakarta ng isang pribadong abogado na siyang tututok sa apela ni Veloso.
Dahil dito kaya nakarating umano sa kaalaman ng kongresista na hindi lang nag-iisa ang istorya ni Veloso kundi marami pang katulad na OFW ang may ganitong kaso na lubha umanong nakakabahala.
Giit ni Pacquiao, na vice chairman ng komite na dapat nilang gampanan ang mandato upang mailigtas ang iba pang OFW na nasa death row.
Bukod dito dapat din umanong magkaroon ng sapat na pondo para mabigyan ng legal assistance ang mga OFW in distress. (Gemma Garcia)
- Latest