MANILA, Philippines - Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang dalawang weather disturbance na maaaring maging supertyphoon oras na pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay Aldzcar Aurelio,weather forecaster ng PAGASA, ang unang sama ng panahon na maaaring maging super typhoon kapag pumasok sa PAR ay tatawaging Ineng.
Kahapon ng umaga, ito ay namataan na kumikilos sa bilis na 9 kilometro kada oras papasok ng PAR.
Ang isa pang low pressure area na inaasahan ding magiging super typhoon ay namataan kahapon sa Dagat Pasipiko. Ito ay inaasahang papasok sa PAR kapag nakalabas na ng bansa si Ineng.
Si Ineng ay inaasahang papasok sa PAR sa susunod na linggo na bagamat hindi ito magla-landfall sa Pilipinas at agad dideretso sa Japan ay makakaapekto naman sa habagat kayat may dala itong mga pag-uulan sa ating bansa. (Angie dela Cruz)