MANILA, Philippines – Bigong mapagbotohan sa Korte Suprema ang petisyon ni Senador Juan Ponce Enrile na humihiling na payagan siyang makapagpiyansa sa mga kasong may kinalaman sa pork barrel scam.
Nagpasya ang mga mahistrado na ‘wag ituloy ang botohan para bigyang daan ang pagpapatuloy ng oral argument sa kaso ng Torre De Manila.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Enrile na dapat siyang payagan na makapaglagak ng piyansa para sa kasong plunder dahil mahina naman ang ebidensya ng prosekusyon laban sa kanya.
Bukod sa hindi naman maituturing umanong flight risk si Enrile, hiniling din ng kampo ng senador na bigyan ng konsiderasyon ng Korte Suprema ang edad at kusang loob na pagsuko ni Enrile.
Kung pagbabatayan din umano ang edad ni Enrile na 90, ang parusa kung saka-sakali laban sa kanya ay reclusion temporal at hindi reclusion perpetua kaya dapat siya ay payagan na makapagpiyansa.