MANILA, Philippines – Inamin ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na ang madalas na kawalan ng quorum tuwing sesyon ay dahil sa oposisyon ng ilang Kongresista sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sinabi ni Gonzales na ang “non-appearance at non-attendance” ng mga mambabatas sa sesyon sa plenaryo ay maaaring mensahe na ayaw pa rin ng ilang mga Kongresista ng BBL.
Nilinaw naman ni Gonzales na hindi niya sinasabing may nagaganap nang sabwatan laban sa BBL.
Subalit batay umano sa kanyang karanasan bilang House Majority leader sa loob ng ilang Kongreso, pagdating ng ikatlong regular session ay mahirap nang makamit ang quorum.
Nilinaw naman ni Gonzales na hindi sila nagpapabaya ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at sa katunayan ay mayroon silang text brigade para sa mga Kongresista at araw-araw ay nagsasagawa ng roll call.
Dagdag ni Gonzales, wala pa naman ang 2016 proposed national budget sa plenaryo, kaya may oras pa para sa BBL.
Sa ngayon umano ay nasa proseso pa rin sila ng interpelasyon, pero tiyak daw na magiging mas madugo ang period of amendments nito.