MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Vice President Jejomar Binay sa publiko na ang planong pagpapalawig ng 20 taon sa “Daang Matuwid” ay magdudulot ng pagiging diktadurya sa administrasyon.
Sa panayam habang bumibista sa Gerona, Tarlac, sinabi ni Binay na ipinapakita lamang na desperado ang administrasyon na manatili sa kapangyarihan matapos na ipahayag na kailangan pa nila ng 18-20 taon upang ganap na makitang nagbunga ang mga programa ni Pangulong Aquino mula sa kanyang “Tuwid na Daan” .
“Talagang kapit-tuko. Malalaman natin, hahatulan na ng bayan kung talagang naniniwala sila doon sa tuwid na daan. ‘Pag 20 years eh talagang diktador na talaga, inaasam-asam ‘yan,” ani Binay.
Una nang sinabi ni Binay na nakahanda na ang administrasyon sa kanyang 3-phased plan upang maglagay ng “dictatorial government”.
“Itong panahon ni President Aquino, sirain ang institusyon ng hukuman, sirain ang institusyon ng Pangalawang Pangulo, hanggang sa matapos. On the third phase, maglalagay sila ng dictatorial government. Meron silang position doon,” ani Binay.