MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni Vice President Jejomar Binay si Department of Justice Secretary Leila de Lima na huwag magpadalos-dalos sa mga pahayag hinggil sa umano’y pagdukot sa mga ministro ng Iglesia ni Cristo.
Pinatutungkulan ni Binay ang pahayag ni de Lima na naggigiit na hindi pa sarado ang kaso ng naturang mga pagkidnap.
Pinuna ni Binay sa kanyang liham kay de Lima na ang mga pahayag ng kalihim ay taliwas sa resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation na nasa ilalim ng DOJ.
Binanggit ni Binay na, ayon sa NBI Anti-Organized Transnational Crimes Division, walang naganap na pagdukot na nagpalakas naman sa katotohanan na walang lumalabas na nagrereklamo para patunayan ito. “Sa madaling sabi, walang naganap na krimen.”
Naunang idineklara ni NBI-AOTC Chief Atty. Manuel Eduarte na sarado na ang kaso sa napaulat na kidnapping makaraang makipag-ugnayan ang ahensiya sa legal office ng INC at pagbisita sa bahay ni Felix Nathaniel “Angel” Manalo.
Ang kapatid ni Executive Minister Eduardo Manalo ay tinanggal sa INC pati ang ina niyang si Cristina “Tenny” Villanueva Manalo makaraang ilagay nila sa YouTube ang isang video na nagsasabing ang mga ministro ay dinukot at nanganganib ang kanilang buhay.
“Sa inyong ginagawa, isinusulong niyo ang imahe ng pagkakawatak-watak, awayan at katiwalian sa INC,” sabi ni Binay sa kanyang liham kay de Lima.
Ayon sa Bise Presidente, tungkulin ng mga opisyal ng pamahalaan na igalang at huwag panghimasukan ang panloob na usapin ng INC.
Iginiit pa ni Binay na ang ipinakikitang asal ni de Lima sa isyu ng INC ay lumalabas na kasingtulad ng ginagawang demolisyon sa kanyang hanay.
“Alang-alang sa pagtataguyod sa Konstitusyon at pangangalaga sa integridad at magandang pangalan ng INC bilang isang pamayanang relihiyon, hinihimok ko kayong ihinto ang mga walang basihan, iresponsable at padalos-dalos na pahayag na makakasira sa institusyon ng INC,” payo pa ni Binay sa kalihim.