MANILA, Philippines – Dapat tanggapin na ni Pangulong Aquino ang resignation ni DILG Sec. Mar Roxas para tumaas ang ratings nito.
Ayon kay dating Justice Secretary at 1BAP Partylist Rep. Silvestre Bello III, hindi maiwasan na isipin ng mga tao na drama lamang at scripted ang ginawang pagbibitiw ni Roxas para bigyang daan ang kandidatura nito sa 2016 election.
Kung talagang gusto umano ng Pangulo na umangat ang nangungulelat na ratings ni Roxas ay dapat tanggapin na nito ang pagbibitiw ng Kalihim upang maiiwas sa panghuhusga ng taumbayan na maaaring ginagamit nito ang posisyon at resources ng gobyerno.
At kung tunay ang resignation ni Roxas ay dapat irrevocable ito para automatic at hindi na kailangan ng acceptance mula sa Pangulo.
Iba naman umano ang sitwasyon ni Vice President Jejomar Binay na hindi maaaring magbitiw sa pwesto bilang ikalawang pangulo.
Paliwanag ni Bello, si Binay ay inihalal ng taumbayan, may mandato at obligasyon ito sa taumbayan dahil kung iiwanan nito ang posisyon ay maituturing itong abandonment of public office, betrayal of public trust at magkakaroon din ng vacancy sa puwesto nito.