MANILA, Philippines – Naghahanda na ang mga kritiko ni Sen. Grace Poe ng mga pambanat sa kanya sakaling tumakbo ito sa 2016. Ayon sa ilang political obsevers, hindi biro ang nangangalap umano nang paraan para sirain siya sakaling tumakbo siya bilang pangulo sa susunod na taon.
Nagtataka sina 1-BAP Rep. Silvestre Bello III at Isabela Rep. Rodito Albano III, miyembro ng minority bloc sa Kamara, na kung kailan malapit na ang eleksyon ay saka gusto nilang sirain si Poe at hindi noong araw na manalo itong senador noong 2013.
Sabi ni Bello, dating Deparment of Justice Secretary, hindi kasi basta kalaban si Poe sa susunod na eleksyon at tiyak aniyang masisilat sila nito kapag nagkataon.
Ayon kay Albano, maraming taga ibang partido ang natatakot kay Poe sakaling magdeklara itong kakandidato kaya naman marami rin ang nananalangin na huwag na lamang itong tumakbo para hindi sila malampaso sa panguluhan.
Naniniwala naman si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, spokesman ng Party-list Coalition Foundation Inc., na marami pang ilalabas laban kay Poe.
“Oras na magdesisyon si Poe na tatakbo tiyak maraming disqualification cases ang ilalabas ng kanyang mga kalaban sa politika para harangin siya sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa,” sabi ni Batocabe.