MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si House Speaker Feliciano Belmonte sa mga opisyal ng pamahalaan na kakandidato sa mas mataas na posisyon sa 2016 na tularan si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero na nagbitiw bilang tagapangulo ng Senate Finance Committee at co-Chairperson of the Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures alang-alang sa kagandahang-asal.
“Magandang pampulitikang hakbang mula sa isang maestro. Dapat makaramdam na rito ang ibang katulad niya ang sitwasyon,” sabi ni Belmonte na vice chairperson ng makaadministrasyong Liberal Party.
Pinuri ni Belmonte ang pagbibitiw ni Escudero na napapabalitang sasabak sa pambansang halalan sa susunod na taon.
Paliwanag ni Escudero, nagbibitiw siya para matiyak na hindi mababahiran ng pulitika ang deliberasyon ng Senado sa panukalang pambansang budget.
Ang Senate Finance Committee ang katapat ng House Appropriations Committee na tatalakay sa 2016 national budget o General Appropriations Bill (GAB) na isinumite kamakalawa ng Department of Budget and Management sa Kongreso. Sa oras na maaprubahan ito ng House, isusumite ito sa Senado.
Sinabi rin ni House Deputy Majority Leader Rep. Sherwin Tugna ng Citizens’ Battle Against Corruption Partylist na dapat ding magbitiw sa kanilang puwesto ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan na merong kahalintulad na sitwasyon.
“Dahil sa delicadeza, dapat magbitiw ang lahat ng opisyal ng pamahalaan kung makukuwestyon ang kanilang integridad kapag kumandidato at nanalo sila sa halalan,” paliwanag ni Tugna.
Hinamon din ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang iba pang kandidatong sasabak sa 2016 elections na magbitiw na sa mahahalagang posisyong kanilang hawak sa gobyerno upang hindi magamit sa pangangampanya.
Sinabi pa ng solon na kung seryoso sa pagtakbo sa eleksyon sa Mayo sa susunod na taon ay huwag nang mag-aksaya pa ng panahon ang mga gustong kumandidato kundi bumaba na sa puwesto para hindi maakusahang ginagamit ang resources ng gobyerno sa pansariling interes sa pulitika.