MANILA, Philippines – Inaasahang ihahayag na bukas ni Presidente Aquino ang magiging pambato ng Liberal Party sa pagka-pangulo.
Ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice, plantsado na ang naturang pag-endorso na naunang ipinangako ng Pangulo na gagawin sa katapusan ng Hulyo.
Naniniwala umano si Erice na “walang dudang” si DILG Sec. Mar Roxas ang idedeklarang presidential bet ng namumunong partido.
“Wala namang duda na iisang puso’t diwa at direksyon ng pangulo at ng partido na wala nang ibang kuwalipikado na ituloy ang mga nagawa ng administrasyong ito ay walang iba kundi ang kanyang co-pilot na si Secretary Mar Roxas,” pahayag ni Erice.
Ayon pa kay Erice, naniniwala ang administrasyon na taglay ni Roxas ang kakayahan, puso at integridad upang ituloy ang magandang sinimulan ng Daang Matuwid.
Lalong umugong ang pangalan ni Roxas pagkatapos ang papuring ibinigay ni PNoy noong nakaraang State of the Nation Address (SONA).
Iginiit ni PNoy na ni minsan ay di tinigilan ang banat kay Roxas dahil alam ng mga kalaban na may ibubuga ito. Hinimok rin ni PNoy si Roxas na huwag panghinaan ng loob dahil pinatunayan na nito na “you can’t put a good man down” aniya.
Kinumpirma naman ni LP Secretary General at Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento na sa Club Filipino muli ang gagawing endorsement, isang makasaysayang lugar para kina Aquino at Roxas.
Matatandaang noong 2009 ay sa Club Filipino inanunsyo ni Roxas na siya ay magbibigay daan sa kandidatura ni Aquino. Noong 1987 ay sa Club Filipino rin nanumpa bilang pangulo ang ina ni PNoy na si Cory Aquino pagkatapos ang snap elections.
Magugunita na sinabi ni Roxas sa mga reporter matapos ang huling SONA na kapag ipinasa sa kanya ni Pangulong Aquino ang ‘bola’ ay hindi lamang niya ito isu-shoot kundi kanya itong ida-dunk sa ring.
Siniguro rin ni Roxas na itutuloy niya ang sinimulang reporma ni PNoy sa pamamagitan ng ‘daang matuwid’.