MANILA, Philippines - Ilang mga tao na kunektado kay dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado ang nakikita umanong nakikialam sa trabaho ng iba’t-ibang departamento sa city hall mula nang umupo bilang acting mayor ng lunsod si Vice Mayor Romulo “Kid” Peña.
Ito ang isiniwalat kahapon ni Makati City Councilor Nemesio “King” Yabut Jr. na humamon pa kay Peña na ipaliwanag kung bakit nasa city hall ang mga taong malapit kay Mercado.
Dahil dito, nagpahayag ng pagdududa si Yabut kung sino ang talagang kumokontrol sa pamahalaang-lunsod ng Makati dahil sa paglipana sa city hall ng mga dati at kasalukuyang city official at barangay official na kaalyado ni Mercado.
“Hinihiling niya (Peña) ang pagsuporta ng city council sa kanyang pamamahala. Kung gusto niyang seryosohin siya sa pagiging transparent, dapat ipaliwanag niya kung bakit nakikialam sa mga gawain ng iba’t-ibang departamento ng city hall ang mga tao na malapit kay Vice Mayor Mercado. Meron bang official designation ang mga taong ito?” tanong ni Yabut.
Binatikos din ng konsehal ang pagpapaubaya ni Peña kay Mercado na mag-utos sa pagkuha ng mga casual at pagpili kung sino ang itatalagang officer-in-charge sa mga opisina sa city hall.
“Ano ang karapatan ni Mercado na magtalaga ng mga tao sa mga opisina? Meron ba siyang official designation mula kay Peña?” sabi pa ni Yabut.
Kinondena rin ni Yabut ang pagpasok sa city hall ng dalawang kuwestiyonableng indibidwal na paulit-ulit na nagsinungaling habang nagbibigay ng testimonya sa Senate Blue Ribbon subcommittee.
Kinilala ni Yabut ang dalawa na sina dating general services chief Mario Hechanova at Atty. Rene Bondal. Si Hechanova ay umamin noon sa Senate subcommittee na dinaya niya ang bidding kapalit ng pera habang si Bondal ay umaming nagsinungaling sa komite.
Sinabi ni Yabut na sina Hechanova at Bondal ay napaulat na nangangasiwa sa “evidence recovery” effort.
Binanggit din ni Yabut na kailangan ding ipaliwanag ni Peña ang pagpasok sa city hall ng apat na nanunungkulang kagawad na konektado kay Mercado at nangangasiwa umano sa ilang departamental function.
Kinondena rin ni Yabut ang pagtatangka ni Peña na pangatwiranan ang absenteeism nito gayong ito ang presiding officer ng city council noong ito ang vice mayor. Sadya anyang lumiliban si Pena sa trabaho kapag hindi ito sang-ayon sa adyenda ng konseho.
“Kung nasa pribadong sektor si Peña, tanggal na siya sa trabaho sa loob ng unang anim na buwan dahil madalas absent,” sabi pa ni Yabut.