MANILA, Philippines - Guilty sa kasong 2 counts ng kidnapping at serious illegal detention si Maj Gen. Jovito Palparan Jr. at walong iba pa matapos makakita ng probable cause si Ombudsman Conchita Carpio-Morales kaugnay sa umanoy pagdukot sa magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo.
Kapwa akusado ni Palparan sa kasong ito sina T/Msgt. Rizal Hilario, CAFGU Active Auxiliaries Michael dela Cruz, Marcelo dela Cruz, Jose dela Cruz, Maximo dela Cruz, Randy Mendoza, Roman dela Cruz at Rudy Mendoza at liable din umano ang mga ito sa kasong Grave Misconduct kasama sina M/Sgt. Donald Caigas.
Dahil dito, pinasisibak ni Morales sa serbisyo ang mga akusado at inalisan ng retirement benefits bukod sa hindi na maaaring makapagtrabaho pa sa alinmang ahensiya ng gobyerno.
Sa affidavit-complaint na naisampa sa Ombudsman ni Raymond Manalo at pinatunayan ng kapatid nitong si Reynaldo, na silang magkapatid ay dinukot ng mga akusado ng nasabing araw matapos paghinalaang miyembro sila ng New People’s Army (NPA) saka ikinulong at tinorture hanggang sa sila ay makatakas mula sa mga akusado noong August 13, 2007.
Sa 28-pahinang Joint Resolution, positibong itinuro ng magkapatid na Manalo ang mga akusado na dumukot sa kanila at nagkulong at nanakit sa kanila ng may mahigit isang taon.
Kaugnay nito, inatasan ni Morales ang Office of the Deputy Ombudsman for Military and Other Law Enforcement Offices na magsagawa ng fact-finding investigation sa iba pang sundalo at iba pang biktima na may kinalaman sa insidente.