Cedric Lee, ex-Bataan mayor ipinaaaresto ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines - Ipinaaaresto na ng Sandiganbayan ang negosyanteng si Cedric Lee at si dating Mariveles, Bataan mayor Angel Peliglorio Jr. dahil sa kasong graft at malversation.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y kuntsabahan ng dalawa para maibigay ang P23 milyong kontrata kaugnay ng palengke sa Mariveles sa Izumo Contractors na pinamumunuan ni Lee.
Ayon kay 3rd Division clerk of court Atty. Dennis Pulma nakakita ng probable cause ang graft court para maidiin ang dalawa sa kaso.
Inirekomenda ang P30,000 para sa kasong graft habang P40,000 sa malversation case para sa pansamantalang kalayaan ng dalawa.
Sinasabing ang pondo ay naipalabas ni Peliglorio para sa una pero hindi naman nagawa ang palengke at sa ibang bagay nagamit ang pondo.
Bukod dito, si Lee ay mayroon ding tax evasion case dahilan naman sa umano’y pagkabigo ng Izumo na magbayad ng P194.47 milyon sa buwis mula 2006 hanggang 2009.
Si Lee kasama ni Deniece Cornejo ay nadawit sa umano’y pambubugbog sa aktor na si Vhong Navarro subalit pansamantala siyang nakalaya noong Setyembre matapos magpiyansa ng P500,000 sa kasong serious illegal detention.
- Latest